FLASHBACK FRIDAY: My First Filipino Short Story

A few hundred years ago, when I was still in college, a Filipino professor asked us to write a short story–something partly based on the truth, but embellished with a lot of fiction (like most news reports nowadays). This is the short story I submitted.

I apologize to my readers who don’t speak/read Filipino. I also apologize to Filipinos who don’t speak/read really deep Filipino. This is a course requirement, after all. It had to be as scholarly as possible.

So on we go.

____________________________________________________________

“Mahal mo ba ako?”

Ilang pulgada lang ang layo ng mukha niya sa aking mga labi habang tinutunaw ng kanyang mga mata ang aking kaluluwa. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, ni hindi makabuo ng naiintindihang salita ang aking lalamunan. Nilapit ko ang aking mga labi sa kanya. Naisip kong iparamdam na lang ang mga salitang hindi ko masabi. Konti pa, at matitikman ko na ang tamis ng kanyang mga labi. Konti pa—

“RAZO!”

“Mmm-hmm.” Napaupo ako ng diretso sa aking upuan, nabigla at kumakabog ang puso.

“Natutulog ka na naman? Ilang beses na kitang nahuhuling natutulog sa klase ko!”

“Hindi po ako natutulog ma’am.” Sumambulat mula sa aking bibig ang unang palusot na naisip ko, “Nagdadasal po ako!”

Sumabog sa tawanan ang klase. Bakas sa mukha ng aming guro ang halong pagkalito at galit, pansing hindi niya inaasahan ang napaka-gago kong palusot. Inabot din siya ng ilang segundo bago niya nasabing, “Nagdadasal? Niloloko mo ba ako?”

Mabilis na tumakbo ang isip ko. Isang dekada ng pakikipag-espadahan sa mga guro ang sumaklolo sa akin. “Hindi po ma’am. Madasalin po akong tao. Sabi po kasi ng nanay ko, kailangan nating magdasal kahit saan, kahit kailan. Kahit tanungin niyo pa sila ma’am,” Lumingon ako sa mga kaklase ko, “Ganun naman talaga diba?” Tumango-tango ang mga kalalakihan sa tabi ko, pinipilit na maging seryoso ang mga mukha habang pinipigil ang tawa. Nagmumukha tuloy silang may diarrhea.

“Hmm. Very well, Diyos na ang bahala sayo. Pero pinapaalala ko sayo na may PTA meeting kami mamaya, kailangang malaman ng mga magulang niyo ang estado niyo sa paaralang ito and that includes your character. “ Umikot sa lahat ng mga mag-aaral ang kanyang tingin. “That goes for all of you.” Tiningnan niya ang relo sa pagitan ng dalawang blackboard na nakakabit sa pader sa likod ng teacher’s table. “That’s it then. Off you go, mag-aral tungkol sa Law of Gravity ni Newton. Class dismissed.”

Tinitigan ko ang guro habang nililigpit niya ang kanyang mga gamit hanggang maglakad siya palabas ng classroom. Bago siya lumabas ng pinto, lumingon siya sa aking direksyon at nagtagpo ang aming mga mata. Kung may tingin na nakamamatay, siguro umuusok na tumpok ng alikabok na lang ako ngayon. Ilang segundo din kaming nagtitigan bago siya tumalikod at lumabas.

Nakaupo ako sa kanang kanto ng aming classroom, sa pinaka-unang row. Sa aking kanan ay mga bintanang wala nang salamin, at kung meron man ay basag-basag na. Dumudungaw ito sa dating palayan na tinubuan na ng mga kangkong at unti-unting napupuno ng mga balat ng tsitsirya at kung anu-ano pang basura na itinatapon ng mga estudyante sa labas ng bintana. Sa kaliwa’t likuran ko ay mga kahoy na upuan na nasa iba’t ibang estado ng pagka-sira. May mga wala na ang sulatan, kulang ng paa, may mga naka-usling pako, at may mga nakasulat na, “LEA love RALPH” o “Ang magbasa nito bobo!”.

Naputol ang aking day-dreaming nang may biglang tumama sa kaliwang bahagi ng ulo ko na sanhi ng pagka-untog ko sa mga bakal na grills ng bintana.

“Paking-hell naman oh, ano ba?” Lumingon ako sa pinanggalingan ng tapik, at tumambad sa akin ang mukhang kani-kanina lang ay muntik ko nang mahalikan kung di ako ginising ni Miss Physics.

“Ay Patrick, sorry! Super-duper sorry! Si Drew kasi eh, nanunulak!” Ano pa nga ba ang magagawa ko? Ang mukha niyang nagmamakaawa, dagdagan pa ng kanyang super-duper sorry, napa-ngiti na lang ako.

“Sus, wala yun. Ako pa, tigasin.” Pinipilit kong makipag-usap ng maayos habang binabato ng notebook si Drew na nilalait ako sa likuran ni Kristine. Isa si Drew sa mga taong nakakaalam ng pagkahumaling ko kay Kristine, at parang nagsisisi na ako na sinabi ko ito sa kanya.

Ngumiti si Kristine, masaya dahil di ako nagalit sa kanya. Tumalikod siya, kinuha ang notebook na nakapatong sa upuan ng isa naming kaklase, pinalo ng malakas si Drew at naglakad paalis.

“Yihee, kinikilig yan.” Tumabi sa akin si Drew habang hinihimas ang brasong tinamaan ng palo ni Kristine, maliwanag na gusto na naman akong alaskahin.

“Gago ka pala eh. Sasapakin ko na sana para gumanti, si Kristine pala.”

“Dapat nakita mo ung mukha mo, pare. Namutla ka nang nakita mo na si Kristine pala ung gusto mong sapakin. Dapat tinuloy mo, para sana hinimatay siya. Tapos ima-mouth-to-mouth mo siya. Diba ang romantic?”

“Ang corny mo pare. Sarap mong balatan ng buhay at ilublob sa dram ng kalamansi.” Huminga ako ng malalim. Hindi ako kumportableng pag-usapan si Kristine habang nasa maingay na classroom. “Sa tingin mo ba ilalaglag talaga tayo ni Miss Physics sa meeting mamaya?”

Kitang-kita sa mukha ni Drew ang dismaya sa pagbabago ko ng usapan, pero nakasagot naman siya ng maayos. “Oo naman, ganun siya magpakita ng kanyang pagmamahal sa atin. Teka nga, nakita ko ung eye-to-eye niyo kanina ah. May relasyon ba kayo?”

Tumama ang kamay ko sa batok niya. Napa-‘aray!’ na lang siya. “Gago ka talaga Drew. Sayung-sayo na ung menopausal bitch na ‘yun.” Bumungisngis na lang kami sa tuwa. Paborito naming usapan ang pag-aalaska sa mga gurong walang ginawa kundi gawing miserable ang pagiging buhay-estudyante.

Bilang mga estudyante sa public school sa probinsya, kalahating-araw lang ang klase namin. Kakaunti kasi ang mga classroom para makapag-aral ang libu-libong estudyante kaya ganoon. Pagkatapos ng klase, dumerecho agad ako ng bahay. Nakasalubong ko ang aking tatay na palabas na din ng gate.

“Oh andito ka na pala. Pumasok ka na dun para makakain, pupunta na ako ng Bulan High para umattend diyan sa pesteng PTA meeting niyo.” Nakahinga ako ng malalim. Pareho kami ng tatay kong hindi natutuwa sa mga guro ng aking alma mater na malalaki ang ulo at nababalot ng alahas ang katawan. Kung ang nanay ko ang a-attend ng meeting, sigurado matinding sermon na naman yan. Ang tatay ko naman, matutuwa pa yan kung tawagin akong anak ng demonyo ng mga teacher ko. Ibig sabihin kasi nun, siya pa din ang demonyo.

Papasok na sana ako ng bahay nang salubungin ako ng anim naming askal. Nagtatatalon sila, masaya’t nakauwi na ang nagpapakain sa kanila. Tumuloy ako papasok ng bahay at bumagsak sa sofa, pagod pero masaya.

“ANOOO??!!!” Binasag ng matinis na sigaw ang tahimik at malamig na umaga sa loob ng classroom namin. “Kinansel na nga nila ang Prom, tatanggalan pa nila tayo ng Senior’s Night? Anong gusto nila, tumanda tayong dalaga?!” Bakas sa mukha ni Naimah ang magka-halong galit at gulat sa desisyon ng Principal, sa pamamagitan ng Student Government, na tanggalan kami ng kahit anong social gatherings sa huling taon naming sa high school.

“Sshhh. Wala na tayong magagawa, nag-file nga daw ng appeal sila Erika kaya lang wala pa din. Ayaw talaga nila tayong mag-enjoy.” Miyembro si Carlo ng Student Government kaya sa kanya namin nakuha ang balita.

Naputol ang aming usapan nang pumasok si Miss Filipino, isa pang miyembro ng grupong tinagurian naming Corpse Wanna-bes, mga matatandang dalaga na konting oras na lang ay babagsak na sa kani-kanilang libingan. Kinabibilangan din ito nila Miss Physics at ng aming bagong Principal na gusto atang gawing kumbento ang aming eskuwelahan, na sinusuportahan naman ng mga guro na kung umasta ay parang ung mga lintang sumisipsip kay Gloria.

“Magandang umaga class. Tatalakayin natin ngayon ang ika-labing anim na kabanata ng El Filibu…” Unti-unting nawawala ang focus ko sa sinasabi ng guro. Nakatitig ako sa galaw ng bibig niya pero walang pumapasok sa utak ko. Hindi rin nakatulong ang malamig na ihip na hangin na galing sa bintana sa tabi ko. Kinurot ko ang aking sarili para hindi ako antukin at tiningnan ang aking mga kaklase. Si Edwin, na nasa likod ko, ay tulog at naglalaway sa kanyang notebook. Si Drew, na nasa tabi ko, ay tila nagbabasa ng El Fili ngunit ng silipin ko ay may nakaipit na komiks sa loob ng libro ni Rizal. Tiningnan ko din ang iba ko pang mga kaklase, kakaunti na lamang ang nakikinig. Siguro sa aming sisenta, mga tatlo o apat na lang nakatingin sa guro.

Hindi na ito kabigla-bigla. Ilang linggo na lang kasi at matatapos na ang taon, at para sa mga graduating students, panahon na ng mga preparations para sa graduation, mga entrance exams sa kolehiyo at kung anu ano pa, kaya’t wala na kaming panahon para makinig sa walang-kwentang asides ng aming mga guro.

“Andito na ang gwapo’t pinaka-cute sa barkada. Sa mga magpapa-otograp, mamaya na at ngalay pa ang kamay ko.”

Pumasok ako ng pinto ng bahay nila Drew sabay pose. Nagtawanan na lamang ang mga taong nakaupo sa sofa at nakasalampak sa sahig. Aba, naisip ko, andito ang buong barkada, at may sobra pa. Nakahandusay sa sofa si Edwin at Edrick na pareho na namang tulog, si Naimah at Ian nakasalampak sa sahig habang naglalaro ng ahedres. Si Kim naman, pati na si Julius at Charm, nakadungaw sa dalawang naglalaro at nagbibigay ng kung anu-anong hints at feedback. Nalaglag hanggang tiyan ang puso ko ng makita kung sino ang nakaupo sa may isa pang sofa sa dulo ng sala.

“Dito ka na Patrick oh, may space pa.” Tinapik ni Kristine ang bakanteng espasyo sa tabi niya. Linapitan ko na, nakakahiya naman, at cool na cool na umupo sa tabi niya kahit na nagpupumilit nang sumabog ang puso ko galing sa aking dibdib.

“Oh bakit ka nakarating dito?” Kinausap ko siya ng may konting pang-iinis. “Diba ayaw mo sa mga mapuputik na lugar?” Tama nga naman. Ang bahay kasi nila Drew ay nasa loob ng kagubatan, sa tabi ng palayan, mga ilang kilometro din ang layo mula sa bayan.

“Masama ba?” Bakas sa mukha niya ang saya sa nagsisimula na namang inisan. “Buti nga may naupuan ka pa eh. Nakipag-wrestling pa ako kay Ian para di siya umupo diyan, tapos aawayin mo lang ako?”

Ngumiti na lang ako, wala na din naman akong masasabi kahit ibinuka ko ang bibig ko. Masyado akong nada-“dazzle” sa tuwing kaharap ko siya, nahihirapan tuloy gumana ang utak ko.

Hinanap ko na lang si Drew para di niya ako mahuling nakatitig sa kanya. “Hoy Kalansay, wala na daw ba talaga ung Senior’s Night?”

Tumalikod si Drew mula sa kanyang pagkaka-upo sa sahig sa harap ng TV. Kalansay nga naman siya, lalo na’t ngayon na wala siyang suot na t-shirt. Labas ang kanyang mga ribs at nagpupumilit umusli ang mga buto mula sa parang spandex niyang balat.

“Sabi daw. Nakakainis nga talaga eh. Di tuloy tayo makaka score sa mga babae.”

“Yan lang ba ang iniisip ng mga lalaki? Ang maka-isa sa mga babae?” Nakisali na si Charm sa usapan, sumakit na din ang likod sa kaka-dungaw sa mga naglalaro ng chess.

“Hindi noh, siyempre gusto din naming maka-dalawa, o kaya maka-tatlo.” Si Julius na ang sumagot. Standing rule sa barkada namin na pag naghahanap ka ng katapat sa usapan, wag mong hahamunin si Julius, wala ka kasi talagang panalo sa matalas na dila at pilyong utak nito.

“Seryoso mga pare.” Lumabas si Kenan mula sa banyo, pansing kanina pa din siya nakikinig sa usapan namin. Kasama din siya sa barkada, ngunit di ko siya napansin pag pasok ko. “Nakaka-banas na ung hayop na principal na yan.”

Tiningnan ko si Ian. Kadalasan kasi maingay ito, ngunit ngayon ay tahimik siya at mukhang nag-iisip. Minsan lang ito mangyari, kaya’t tinawag ko agad ang pansin ni Drew at tinuro si Ian.

“Hoy Ian, ano yan? Para kang may kinukulam dyan. Natatae ka ba?”

Lumingon sa direksyon ko si Ian nang marinig niya ang kanyang pangalan. Ngumiti ito ng mala-demonyo, senyales na may binabalak na naman itong masama. “Alam niyo mga pare, may naisip akong paraan kung pano tayo reresbak sa eskwelahan bago tayo umalis.”

“Ano na naman yang nasa isip mo ha?”

“Simple lang mga pare. Iihi tayo ng apoy.”

“Gago ka ba? Diba tayo mahuli niyan? Arson kaya yan, it’s against the freaking law.” Mabilis na lumabas ang mga pabulong na salita mula sa bibig ni Drew. Isang taon bilang exchange student sa States ang nagturo sa kanya kung paano gawing slang ang lahat ng salitang Ingles na ginagamit niya.

“Sus Drew, kung alam ko lang, di ka naman sa pulis takot eh kundi sa nanay mo.” Nagtawanan ang barkada sa pahayag na ito ni Julius. Alam kasi naming lahat na malaki ang takot ni Drew sa kanyang nanay na kung magalit eh parang machine gun na hindi nauubusan ng bala ang bibig.

“Hindi tayo mahuhuli nito mga pare.” Inikot ng mga mata ni Ian ang mga taong naka-palibot sa kanya. Kaming mga kalalakihan lang ang tumatambay kila Drew ngayon, kasama si Naimah na tinaguriang muse ng aming barkada.

“Planado na itong lahat. May magdadala na ng gas at pansindi. Kailangan na lang ng mga taong may lakas ng loob na ipamukha sa mga nag-aastang mataas na trapo din sila tulad ng iba.” Bakas sa mga mata ni Ian ang apoy na nakikita ko lang pag nagsasalita siya laban sa gobyerno. Lumaki sa kalsada, tambay ng mga computer shop at gate-crasher ng mga inuman, radikal at aktibista, kilala siya sa buong pueblo bilang mastermind ng kaguluhan.

Inulit niya muli ang pag-outline ng plano niya. Simple lang ito at madaling gawin, konsensya lang nga ang maaaring kumalaban dito. Ngunit pinaalala din niya ang mga panahong pinahiya kami ng aming mga guro, mga panahong siniraan kami at kinikilan, binentahan at pinahirapan.

“Patrick, bakit ka nga ba nag-walk out sa klase ni Miss Shoe-socks noon?”

Huminga ako ng malalim, tinamaan ni Ian ang isa sa mga puno’t dulo kung bakit malaki ang galit ko sa ibang mga guro. Si Miss Shoe-socks, guro namin sa Computer Education. Unang meeting pa lang, she hinted na para pumasa sa subject niya kailangan naming sumipsip sa kanya, at siyempre pakyawin ang tinda niyang mani. Sa sobrang pagka-diri ko sa kanya, tumayo ako’t lumabas ng classroom. Sinundan din ako ng iba ko pang mga kaklase, karamihan parte ng Top 10 students ng buong school. Napahiya ang guro, at mula noon ay gusto na akong ipapatay ng lahat ng guro sa buong campus.

Hindi ko sinagot ang tanong ni Ian. Sa halip sinabi ko na lang, “Count me in.

Mabilis na tumakbo ang mga araw. Wala na talagang nakikinig sa klase. Masyado na rin kaming busy sa mga application forms, scholarship at financial loans, paghahanap ng matitirhan pag college, kaya’t hindi na nakakapagkita-kita ang barkada.

Pati mga guro ay nagiging busy na rin. First commencement exercises ito sa ilalim ng bago naming principal kaya’t kailangang bongga para maka-hingi muli ng additional funding at donations mula sa mga imbitadong mayor at congressman. Biglang napinturahan ang stage, tinubuan ng damo ang dating maputik na field, tinanggal ang nakasabit na punit-punit na briefs mula sa pole at pinalitan ito ng Philippine flag. Ramdam na ramdam na talaga na malapit nang matapos ang taon, malapit na naming iwan ang eskwelahang ito, at malapit na ang huling pagkikita namin ng mga gurong hindi namin nais pasalamatan.

“97th COMMENCEMENT EXERCISES ‘Letting the Youth Lead us to a Better Tomorrow’”

“Ang kati naman nitong long-sleeves. Ang init-init pa.” Puro reklamo si Edrick sa suot niya habang pinupunasan ng maliit na tuwalya ang nagpapawis niyang mukha. Palibhasa’y mas sanay na nakahubad at nagbibitbit ng bagahe sa fish port, hindi tuloy niya magawang maging kumportable sa itim na polo at slacks na hiram mula sa tatay niya. Nakatayo kami sa may gate, hawak ang toga at kung anu-ano pa, habang hinihintay ang aming mga kasamahan.

Sa kada-taong pumapasok ng gate, napapa-tawa na lang kami sa pagbabagong dala ng graduation. Kahit na halos isang-libo kami na ga-gradweyt, magkaka-kilala pa din kaming lahat. Kaya’t di namin mapigilan ang tawa kapag nakikita namin ang isang mayabang naming kaibigan na hinahabol ng nanay niya para pulbusan ang likod (“Hoy Matthew, ung nanay mo oh! Magsasaing ka pa daw!”), mga emo na kabataang pinilit magpagupit at magsuklay (“Biruin mo, may mata ka pala diyan? Akala ko pa naman buhok kang tinubuan ng mukha.”), mga kadalasang straight ang buhok na biglang nagpakulot (“Charm? Istatchu?”), at mga magagandang babae na (“shockz!”) ang gaganda pa din.

Siniko ako sa tagiliran ni Edrick sabay turo sa gate. Nandun, kausap ang guard, ay ang nanay ni Kristine, at sa likod naman niya ay ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa.

“Hoy ano yan? Kung makatingin ka parang unti-unti mo na akong hinuhubaran.” Tumawa ng mahinhin si Kristine sabay tapik ng pisngi ko.

“Hinuhubaran?” Natagalan din bago ko na-process ito at makapag-isip ng magandang banat. “Hubaran? Ikaw? Anong mapapala ko sa pagtingin diyan sa 12-A mong boobs?” Tumawa kaming dalawa. Kung may makakarinig man sa usapan namin, parang walang modo o respeto. Pero di ko pa nakitang magalit si Kristine sa mga usapang ganito, kadalasan siya pa nga ang nagsisimula eh.

“Oh sige na tama na yan. Magsisimula na ang program oh.” Lumapit ang nanay ni Kristine na mukhang balat ng ampalaya na dina-diarrhea. Napa-iling na lang ako. Hindi parin ako nasasanay sa pagkakaiba nilang mag-ina. Kung gaano ka ganda si Kristine e ganoon naman kapangit ang nanay niya. Minsan nga iniisip ko na lang na baka ampon si Kristine kaya ganoon.

“…I pledge loyalty to my alma mater, so help me God.”

Ibinababa ko ang aking kanang kamay mula sa nakakangawit nitong posisyon. Hindi nako pumalakpak at talagang inaantok na ako. Tatlong oras na ang nakalipas mula noong rumampa kami papasok ng gymnasium. Naibigay na ang mga diploma at tapos na din ang pledge of loyalty. Isa na lang ang hinihintay namin.

“And now, a round of applause as we welcome Principal Nancy Bajamundi for her Message to the Graduates.” Bumaba ang mga emcee mula sa podium habang pumalakpak ang mga magulang sa likuran ng gym. Hindi man lamang nagtaas ng kamay para pumalakpak ang mga estudyante.

Umakyat ang principal ng stage na parang walang napansin, tumayo sa likod ng podium at hinila ang mic papalapit sa kanyang bibig. Umubo-ubo ng kaunti at huminga ng malalim. “To our—“ Hanngang dito na lang ang narating niya. Tumayo ang halos dalawang dosenang estudyante mula sa first two rows ng graduates at nag-martsa palabas ng gymnasium.

“Una na kayo pare, ayusin ko lang sintas ko.”

Ipinatong ko ang aking kanang paa sa isang bato habang itinatali ang sintas nga sapatos. Tiningnan kong naglalakad palayo si Ian at ang mga kasama naming nagwalk-out, mga likod nilang nararating ng mga ilaw mula sa gymnasium.

Inisip ko uli ang aming gagawin, inisip muli kung tama ba ito o mali, kung totoong rebelyon ba ito o kagaguhan lang. Ngunit, tulad ng dati, pumasok muli sa aking isipan ang tanong na di ko masagot. “Kung hindi pa namin ito gagawin, sino pa ang maglalakas-loob na ipamukha sa lahat na may mga karapatan din kami bilang estudyante? Sino pa ang magsasabi na hindi ang mga guro ang nakahukay sa mina ng talino at ng kung ano ang tama, na mayroon kaming katwiran sa kung ano man ang sabihin nila, na hindi nila kami pwedeng isantabi na lamang dahil marunong din kaming mag-isip at makagawa ng mga bagay na hindi kagaguhan kung bibigyan lang nila kami ng pagkakataon, na ang respeto ay kailangan nilang paghirapan, at kailangan nila kaming respetuhin para sila ay respetuhin din namin?”

Huminga ako ng malalim. Alam kong ang pag-sunod kila Ian ay maaaring magbago ng buhay ko, at alam kong maaari din itong magkaroon ng epekto sa iba pang tao pati na sa institusyong ito. Hahabol na sana ako sa kanila nang may biglang humila sa sleeve ng toga ko.

“Patrick, pwede ba tayong mag-usap?”

Hinarap ko ang pinanggalingan ng boses pero bago ko pa man makita ang taong nagsalita ay alam ko na kung sino ito.

“Oh bakit andito ka din? Hindi ka na dapat lumabas, baka kung ano pa ang mangyari sayo eh.”

Ngumiti lamang si Kristine. “Sumunod ako sa inyo palabas. Nakita kitang nagtatali ng sintas dito kaya’t nilapitan kita. Gusto sana kitang makausap.”

“Tungkol naman saan?” Naupo ako sa isa sa mga stone bench sa paligid ng field at tinapik at espasyo sa tabi ko. “Patay ka ng nanay mo pag nalaman niyang nakiwalk-out ka din.”

Nagulat ako ng bigla niyang ipinatong ang ulo niya sa balikat ko. Huminga siya ng malalim at ipinikit ang kanyang mga mata sabay bulong, “Maganda ba ako?”

Nabilaukan ako sa sarili kong laway sa sobrang pagkabigla sa kanyang tanong. Mabilis na gumalaw ang aking utak para makagawa ng sagot. “Landi ah, naka-drugs ka ba?” Pinilit ko kong tumawa, pero tunog na parang lumulubog na barko lang ang lumabas sa lalamunan ko.

“Seryoso ako Patrick. Kahit ngayon lang, gusto ko ng maayos na sagot.” Linulon ko na lahat ng natitirang laway sa bibig ko. Hindi ako sanay maging matapat, kadalasan kasi ay ipinantatakip ko ang mga insulto at pangungutya, panloloko’t pambobola, sa kung ano man ang totoong nararamdaman ko.

“Ipikit mo ang mata mo. Sabihin mo kung ano ang unang pumapasok sa isip mo pag naiisip mo ako.” Pinikit ko ang aking mga mata, pinagpapawisan na ang aking palad at noo sa kaba. Huminga ako ng malalim, at sumaklolo naman sa akin ang ilang taon na pagiging manunulat.

“Mag…ugh—maganda ka… sa…” Hindi ako makabuo ng maayos na pangungusap na maaaring sumagot sa kanyang tanong kaya’t sumambulat mula sa akin ang unang akdang pumasok sa aking isipan. “I see her face wherever I go, but she doesn’t know that I love her so. I hear her voice in my head and I want to have the memory of when she said ‘I love you’. But I’m too stubborn, too shy. I can’t even look at her eye-to-eye. And all because I know and that I’m afraid to see the fact that she may not love me.”

Tumigil ako bigla, pansing sumobra ang nasabi ko. Napayuko na lang ako sa hiya, hinihintay ang magiging reaksyon niya.

“Mahal mo ba ako?”

Lumingon ako sa direksyon niya. Hindi na pala siya nakapikit, nakatingin na din siya sa akin at nagtagpo nag aming mga mata. Ilang pulgada lang ang layo ng mukha niya sa aking mga labi habang tinutunaw ng kanyang mga mata ang aking kaluluwa. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, ni hindi makabuo ng naiintindihang salita ang aking lalamunan. Nilapit ko ang aking mga labi sa kanya. Naisip kong iparamdam na lang ang mga salitang hindi ko masabi. Konti pa, at matitikman ko na ang tamis ng kanyang mga labi. Konti pa—

Wala nang pumigil sa aking pantasya. Hinalikan ko siya sa ilalim ng nagdidilaw na langit na sanhi ng matataas na apoy at maitim na usok na galing sa direksyon ng Principal’s Office.

___________________________________________________________

To people who actually understood all that, what do you think?

This got perfect marks when I submitted it to our professor, so I think it’s pretty good. Could be better, but pretty good.

Advertisements

One thought on “FLASHBACK FRIDAY: My First Filipino Short Story

  1. Pingback: Līgo Haībun Challenge – Confusion | Alastair's Blog

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s